Tuesday, June 11, 2013

Erehe

Makailang ulit na lumabis labis,
lumabis ang dibdib sa nadamang galit;
galit na tuwirang bumasag sa bait,
bait na lugaming humalik sa hapis.

Paanong ang dati'y nasa kanyang rurok,
matulaing diwang maraming umirog;
tanglaw sa karimlan ng mga nalugmok,
Ngayon ay nasaklaw ng matinding lungkot.

Noong dakong una sa bawat hinaing,
ng pusong may tampo't puno ng panimdim;
ay agad ang sabing tumula't suyuin,
saan ba ang tungo? Ay kundi sa piging.

Sa pakikibaka'y kasama sa digma,
kaulayaw niyong bayaning makata;
Sa pagkapanalo at pagkakalisya,
sidhi'y isusulat at siyang hininga.

Ang pintuang bakal bakit naipinid,
sa halaw ng ritmo't matulaing tinig;
kung ang dalit nito'y nalagay sa titik,
bakit ni sa papel hindi maiukit.

Kaya't naisipang bago pa maputol,
at tuluyan na ngang sa wala humapon;
diwang matulain bago pa malipol,
baka may oras pang hilumi't ibangon.

Lakas nga'y inipon sa isip hinabi,
ang mga salitang sintang pintakasi;
 upang mapalaot madlang guniguni,
sa lilom niyaong matulaing hari.

Nguni't ang landasin ay dagling binuwal,
niyaong patnugot na kasuklam suklam,
hungkag na damdaming dinadalisayan,
ng siphayo't dusang lubhang kasawian.

Agad pang sinabing may bahid ng tuya:
"Aanhin ang tamis ng mga salita,
kung walang may nais ng saiyong akda,
aanhin ang diwa ng sukat at tugma?

Danga't ang lahat nga maging pa ang tao,
naipanukalang sa iglap magbago;
maging ang nasulat, tinanim sa puso,
ay naitadhanang sa mundo'y maglaho."

At manaka'y sunod sa naibulalas,
" sundin mo ang payo at humayo agad;
kalimutan mo na ang layong nilakad,
kalimutan mo na't limot na ng bukas."

Wari'y paruparong sa maunang tingin,
animo ay gandang walang di papansin;
nguni't yaon pala'y ubod ng rimarim,
mabunying halimaw na kalagim lagim.

Sadya nga bang ito ang tadhanang tunay,
Panitik na giliw huhubdan ng buhay;
Ano't yaring bukas na dapat magpanday,
ang siyang sisira sa natayong suhay?

Nguni't kung masawi't tuluyang mahulog,
sa lilibngang bitak, madawag na puntod;
sumpain ng langit, sumpaing marubdob,
kung di magpumilit na ikaw'y mahugot.






Wednesday, June 5, 2013

Ang Pagpapako kay Juang Makata

Sa liblib na nayong ngala'y Pilipinas,
ay may inihandang kurus na mataas;
na ang mga pako pinanday na hiyas,
dudurog sa buto't sa lama'y nunulas.

Sino baga yaong kalakaladkaran
at hinahambalos sa buong katawan
ang sakit na dama sa mukha'y larawan
nang may libong beses at di mapaparam.

Ay, ay inyo ngang tulungan
yaong abang taong napasagulapay
ang tuhod ay hilam sa dugong mapusyaw
at latay ay libot sa buong katawan
na animo'y lintang ang kapit ay husay.

Sumigaw ang bayang sa tao'y humusga,
hayaan nga ninyong sa lupa'y madapa;
huwag tutulungang handugan ng awa,
O inyong ibangon sa pagkakalisya.

Siya ay marapat sa kanyang hantungan
sa kurus na haring larawan ng lumbay
yaon ang sa kanya ay huling himlayan
ng dito sa lupa tuluyang mamatay.

Naipako na nga, naipako na 
sino nga ba siya at ano ang sala
na pinaging dapat sa siphayong nasa
minarapat ninyong kitlan ng hininga
pinagluray luray at inyong dinusta.

Sumagot mag-uli ang bayang hinirang,
siya ay si Juang makata ngang tunay;
nguni't ang panahon ay kanyang kalaban,
mapanibughui't mortal na kaaway.

Kami na humatol sa kanyang tadhana
kami na nagdulot kalis ng parusa
kami na nagsara sa puso ng awa
kami ay ang bukas na magsisimula.








Tuesday, June 4, 2013

Ang Saiyong Kariktan

Sa may durungawan ng dakong silangan,
ay nadadaanan ng sikat ng araw;
ang isang mayumi't dakilang kariktan,
na di nagmamaliw angking kagandahan.



Pinaliligiran ng biyayang tunay,
na handog niyaong Poon na kumapal;
at may panukalang hindi papayagan,
maipagulapay nitong kasawian.



Kaya nga kahima't maraming nagnasa,
na ika'y angkinin at maisadusta;
hindi nagtagumpay yaong masasama,
maipagkaloob ang malilong pita.



Ah kay dalisay ng saiyong kagandahan
maging ang hanging umiihip,
na animo'y walang hanggan
ay nabibighaning tunay
sa angkin mong kariktan.



Ang tala sa gabi kapag walang buwan,
ay nagpupumilit na ika'y mahagkan;
kaya nga nawika ng palalong ulan,
" Ako'y saiyo lang magpakailan pa man."