Monday, July 13, 2009

Sawing Pangarap ni Inang Pilipinas

Malaon ng aking ninanais-nais,
na makamtan itong pangarap kong ibig;
nguni't anong hirap sakdal na pasakit,
damdamin niyao'y di man lang maantig.

Anak kong tinawag lubha kong inibig,
pag-ibig ko ngani buhay 'kong binuwis;
binuwis ng bukal maluwag sa dibdib,
dibdib kong sinira puso kong hinapis.

tingni ngani itong lilo at sukaban,
oh mahal kong amang nasa kalangitan;
sariling anak kong lubhang mga paham,
sa pagkabalukyot at pagkagahaman.

anong sala baga ang aking binuhat,
upang magantihan nitong aking anak;
ako ngani baga'y lubha ng sukaban,
upang mga anak ako'y kalimutan.

mga anak, mga anak ako'y tingnan,
hindi nyo ba pansin ang luha kong hilam;
hindi nyo ba pansin aking agam-agam,
hindi nyo ba pansin ang kinabukasan.

sadya bang nabingi't mata nyo'y nabulag,
upang pati ako'y malimot na ganap;
hindi na natalos mga paghihirap,
mga pangarap ko't mga pagsisikap.

tamad, lilo, balakyot, sukaban... anak,
tamad, lilo, balakyot, sukaban... anak;

hindi pa ito ang katapusan......

baka sa apo ko'y mabuhay na muli,
mga pangarap kong sa anak nasawi;
baka mga apong bagong salinlahi,
ibangon na ako't ginhawa'y maghari.......

INANG PILIPINAS