Monday, December 28, 2009

Kay Noynoy


Sa dilim ng gabi ng imbing karimlan,
nanulas ang sigaw sa puso ng bayan;
ang pag-asa bagang malaon ng antay,
sumibol sa gitna ng dinustang dangal.


Anupa't sumigla mga pusong uhaw,
nabuhayang loob ang laon ng patay;
mayayama't dukha nagsikapit kamay,
sa bagong umagang naaabot tanaw.

Ikaw na nga kaya ang sugo ng langit,
upang maiahon ang inang may hapis;
ang bayang lugami't sa dusa'y napiit,
matulungan kayang maibangong pilit.

Noy saiyo ngayon kami namamanhik,
tulungan mo kaming muling maibalik;
ang dangal na libong taong nakapinid,
sa kamay ng lilo't mapang-aping ganid.

Wakasan mo nawa ang mga langitngit,
ng iyak sa gabi ni'yong mga paslit;
na gutom ay dusang laging tinitiis,
at iyak ng ina ang pang-along himig.

wakasan mo nawa ang mga hinagpis,
nitong ating bayang katarunga'y pinid;
ihatol mo sana ay laging matuwid,
ng matakot silang ang puso ay lihis.

Ang sigaw sa parang iyo lang bigkasin,
at ang taong bayan agad kang diringgin;
at kung ang pawis mo sa hirap lumilim,
agad naming abot ay panyong maningning.

Sa likod mo kami lahat ng panahon,
kung sa katuwiran ika'y paroroon;
at kung ang dusa ay pilit kang ibaon,
iaalay namin buhay na tinipon.