Sunday, April 1, 2012

Ang Hirap ng Buhay sa Bayang Malayo

Ang buhay na dulot ng hirap at dusa,
yaon ang sa aba'y nagturo ng pita;
upang pumalaot sa gitna ng nasa,
na sa ibang bayan mahanap ang tuwa.

Libo mang balakid kinayang tawirin,
lahat ng pasakit binalak tiisin;
upang ang pangarap sakaling marating,
tatapusin yaring awa at panimdim.

Paalis pa lamang sa sariling bayan,
pumatak na luha'y hindi na mabilang;
yaong sa Pamilyang pasang kalungkutan,
duduruging lahat baong katinuan.

Alalaong baga'y naiwan ng lahat,
at nangyari na nga ang dapat maganap;
sa banyagang bayan humakbang ng lakad,
upang mahanap na ang gintong pangarap.

Nguni't anong dusa ang sa tao'y kaya,
na hindi bibigay ang buong pangamba;
kung ang tuwang hanap sa lilo mapunta,
at maisadlak ka sa imbing dalita.

Inang kapalaran minsan ay malupit,
sa palad ng tao ay may likong guhit;
kahima't masikap at may malasakit,
maiiwan pa ring kayakap ng pait.

Kapaitang yakap hindi maipinta,
ninumang sa sining lubhang dalubhasa;
O maisulat man sa papel ng tinta,
nitong matulaing kamay ng makata.

Ang imbing sinapit nitong nangangarap,
ng unang ihakbang ang paa sa lakad;
agad na pinutol ng banyaga't sukat,
pinagmalupitang walang maitulad.

Wala mang katulad ang pagmamalabis,
nguni't naisumpang lahat matitiis;
hindi nga ininda yaong sobrang lupit,
ni hindi nagtanim taimtimang galit.

Hanggang isang araw yaong kalupitan,
umabot na lubha sa lubhang sukdulan;
ang imbing pangarap mumuntik muntikang,
mabawiang tunay ng buhay na hiram.

Nguni't sumumpa nga at pinanghawakan,
ang kanyang pangarap na kaligayahan;
kaya nga kahima't yaong kamatayan,
hinamak na't lahat kanyang nilabanan.

Muli ngang humakbang sa layuning hanap,
matapos ang unos na kasaklap saklap;
sa tulong ng isang kababayang huwad,
pinagsumikapang ituloy ang lakad.

Ang buhay maminsa'y sadyang mapaglaro,
ipaliwanag man hindi mo matanto;
ang iyong akalang huwara't matino,
agarang dudurog sa butihing puso.

Matapos ang unang pakitang mabuti,
yaong kababayang kanyang naitangi;
agad nagpakita ng tunay na budhi,
sing-itim niyaong putik sa pusali.

ginipit sa lahat ng masabing bagay,
ang pobreng nilalang na kahabag habag;
pangarap na lamang ang nagsilbing suhay,
upang kalooban ay maipanatag.

Hindi pa sumapat yaong panggigipit,
ng sukabang Hudas na lubha ang ganid;
pinagbalakan pa na maipapiit,
ng hindi pumayag sa gustong ipilit.


Dito'y bumigay na yaong katinuan,
hindi na kinaya ang pinagdaanan;
ang sa mata'y luhang malaon ng hilam,
muling nanariwa't umapaw tuluyan.


Manapay guho na't tuluyang nagiba,
yaong pag-asa niya't wala ng natira;
aliwin nino man walang magagawa,
hindi na tatayo't maibabangon pa.


Ngayon nga sa wakas siya'y pauwi na,
deretso ang tingin niyong mga mata;
walang mababakas na may alaala,
O makitaan man ng kaunting saya.


Bakit nga ganito ang kanyang sinapit?
gayong ang nais lang ay maipaghilig,
sa masayang dako pamilya ihatid;
sa sariling sikap ginhawa'y makamit.


Ang pamilya kayang kanyang minamahal,
ay may pag-asa pang muling makakamtan?
o tuluyan na ring mapagkatuwaan,
ng kapit niyaong laksang kasawian.