Saturday, August 15, 2009

ANG AMYENDA

Ating Mambabatas ay lubhang balisa,
paroo't parito lahat aligaga;
setro ng batasa'y nagpapatirapa,
paglikat basalya'y agad inihanda.

Bawat kinatawan ng mga distrito,
lahat nakahandang sumagot ng "OO";
kapag ang pangala'y hanap ng pang-ulo,
nakatungayaw pang sumagot ng "AKO".

Ang bawat pagliban ay kasumpa-sumpa,
ngayong ang balakin ay inihuhulma;
ang layunin nila'y ihanda ang bansa,
sa isang malaki't balitang dakila.

Huwaran ba ito't lubhang kapitagan,
'wag kang pabubuyo aking kababayan;
pagka't katoto ko yan ay palabas lang,
kung susuriin mo'y lubhang kasukalan.

Ang motibo nila'y iyong makikita,
sa "CHA CHANG" marami ang hugis ng mukha;
ang ating saligang batas na mabisa,
balak na susuga't alisan ng tuwa.

Batas na saligan mula mapanganak,
sanggol na kawawa't di pa makausad;
marami ng agad dito ay may balak,
mapagtagumpayang mabago ang lakad.

Sino nga ba silang balakyut ang isip,
nagpasakop agad sa nais ng ganid;
tinulutan nilang sa dusa'y maidlip,
ang lupang tinirhang matagal ng gipit.

Sa pusali niyong Beatang may naknak,
hinayaang kagyat mapuspos ang habag;
tinapon sa imbing lugami't sinadlak,
ang bayang nilakhang wala na ang landas.

Sila yaong mga tusong mahahalay,
may ugaling ganid at handang pumatay;
sa batasa'y sila yaong walang humpay,
na isulong yaring amyendang mabuway.

Sarili nga lamang nilang kapurihan,
ang hangad ninumang isip ay mababaw;
sa kinang ng ginto ay agad nahubdan,
ang dangal ng lilong may lahing bayaran.

Kaya't anong uring gawang kagandahan,
ang sa piling nila'y ating aasahan;
kung ang inang baya'y handang pagkaitan;
sino pa ba kaya ang kayang pagbigyan.

Mahabaging langit kung kami'y anak din,
pakinggan mo nawa ang munting dalangin;
padalhan mo sana ng taong magiting,
na siyang dadamay sa aping lupain.

siya nawa.....siya nawa......

6 comments: