Thursday, June 10, 2010

Kadena De Amor

Sa lupang may bahid at ningning ng puso,
niyaong may likha sa lahat ng tao;
aling pag-ibig ba ang napipintuho,
na hindi hihigit sa kinang ng ginto.

Masdan nga ang labi sa tuwing bubuka,
sa irog niyaong pusong sumisinta;
aling kilos baga ang maisusumpa,
na hindi tumupad sa naipanata.

Sa alinmang kulay
O anyo man lamang
ng lahat ng uri ng mga nilalang
na pinagkalooban ng tunay na husay
ng Amang Diyos nating nasa kataasan
may isa ba kayang ang puso ay uhaw
at di nakaranas ng lubhang dalisay
na tawag ng pusong may kaluwalhatian.

Katulad na lamang ng kay inang mahal,
magmula ng ikaw ay kanyang isilang;
hanggang sa ang isip mawastong tuluyan,
hindi ka iniwan kahit na mamatay.

O maging katulad ng iyong pag-ibig,
sa lupang saiyo'y nagbigay ng wangis;
maaatim mo bang haluan ng lupit,
dili kaya'y dusa ang iyong ihatid.

Kay sarap damyuhin ng hanging iihip,
sa balat niyaong taong umiibig;
ang pagsinta'y labis at labis na labis,
hindi magdudulot ng siphayo't hapis;
kung ang puso lamang ang nakababatid,
ng tunay na lakad ng pang uring himig,
musikong matapat na bigay ng langit.

Kaya bawat sumpang iyong bibitawan,
sa ina, sa kapwa, sa irog at bayan;
maging halimbawa sa poong Maykapal,
na kay buti nitong sa kanyang lalang.

Pahalagahan mo ang kadenang lantay,
ng pag-ibig na s'yang sa'iyo'y bumuhay;
kadenang pag-ibig huwag hahayaan,
na maisiphayo niyong kasawian.

3 comments:

  1. Ibigin at igalang natin ang ating kapwa. yan ang tunay na pagmamahal na maaari nating ialay sa ating mahal na panginoon.

    ReplyDelete