Pagmasdan mo ngani ang iyong paligid,
at tingnang maigi ang mga kapatid;
maaatim mo bang hindi maituwid,
ang kinabukasang sa kanila'y pinid.
May kinabukasang kanyong nakaamba,
na ang bala'y hirap pasakit at dusa;
maaatim mo bang hindi maitama,
ang masamang lakad nitong ating bansa.
Noynoy anak, yamang ikaw na nga lamang,
ang tanging pag-asang aking nalalaman;
sa puso mong lantay tinig ko'y pakinggan,
ibangon mo ako't dusa ko'y kalagan.
Patirin mo na rin ang pagka uhaw ko,
sa paghahanap ko ng tulad saiyo;
na handang maglingkod ng may purong puso,
at hindi lilisya di kaya'y maglilo.
Ituwid na mandin ang ilang kapatid,
sa kanilang nasang lagim ang ikapit;
at mapagkaitan ng tunay na langit;
ang kinabukasan ng munti kong paslit.
Alisin mong pilit saiyong bulwagan,
ang may nasang dalhin sa katitisuran;
mga tapat na lingkod mong sa'yo'y tunay,
na handang mag-alay ng sariling buhay.
Huwag kang payayao sa payo ng pantas,
kung ang bayan yaring handang ipaligwak;
hayaan mo na ngang puso ang lumutas,
kung ang sulirani'y lubha ang bagabag.
At kung ang puso mo ay di pa sumapat,
sa kaitaasan tingin ay isulyap;
at sa Amang Diyos ikaw ay humarap,
ipanikluhod mo ang dusang kayakap.
Papawiing lahat ang iyong panimdim,
niyong Diyos Amang may likha sa atin;
at ang bayang laong nalugmok sa dilim,
ay may liwanag ding muling mararating.
Kaya nga ang bilin saiyo ay dinggin,
sapagkat batid kong ika'y papalarin;
na muling ihatid ang sa baya'y ningning,
at kinabukasang may rangyang habilin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ngayong ikaw ay Pangulo na natupad na ang unang hakbang ng panawagan sa'yo ng mahal nating ina..Kumapit ka nawa sa iyong mga prinsipyo at paniniwala...nananalig kami na ikaw ang sugo at daan para maging halimbawa ng mga susunod na hahawak sa pwestong iyong tangan sa kasalukuyan...Mabuhay ka...
ReplyDelete