ay may inihandang kurus na mataas;
na ang mga pako pinanday na hiyas,
dudurog sa buto't sa lama'y nunulas.
Sino baga yaong kalakaladkaran
at hinahambalos sa buong katawan
ang sakit na dama sa mukha'y larawan
nang may libong beses at di mapaparam.
Ay, ay inyo ngang tulungan
yaong abang taong napasagulapay
ang tuhod ay hilam sa dugong mapusyaw
at latay ay libot sa buong katawan
na animo'y lintang ang kapit ay husay.
Sumigaw ang bayang sa tao'y humusga,
hayaan nga ninyong sa lupa'y madapa;
huwag tutulungang handugan ng awa,
O inyong ibangon sa pagkakalisya.
Siya ay marapat sa kanyang hantungan
sa kurus na haring larawan ng lumbay
yaon ang sa kanya ay huling himlayan
ng dito sa lupa tuluyang mamatay.
Naipako na nga, naipako na
sino nga ba siya at ano ang sala
na pinaging dapat sa siphayong nasa
minarapat ninyong kitlan ng hininga
pinagluray luray at inyong dinusta.
Sumagot mag-uli ang bayang hinirang,
siya ay si Juang makata ngang tunay;
nguni't ang panahon ay kanyang kalaban,
mapanibughui't mortal na kaaway.
Kami na humatol sa kanyang tadhana
kami na nagdulot kalis ng parusa
kami na nagsara sa puso ng awa
kami ay ang bukas na magsisimula.
No comments:
Post a Comment