Saturday, January 2, 2010

Isang Kasaysayan ( Unang Yugto )

Meron akong kwentong aking nalalaman,
nais kong sa inyo'y aking ipaalam;
itong istorya ko'y sariwa pa naman,
at ito'y nasagap kamakailan lang.

Sa malayong bayan sa dulong silangan,
na unang sikatan ng sinag ng araw;
merong isang kalyeng wala pang pangalan,
dito ang kwento ko unang natuklasan.

Mahabang kalsadang pinaikot-ikot,
na ang unang plano'y deretso ang daan;
pero ang kwento ko'y hindi d'yan umabot,
kundi sa babaeng madalas madatnan.

Gulo-gulong buhok at mukhang kulubot,
maitim na damit at madaming supot;
pag ika'y dumikit at siya'y masinghot,
ilong mong mahina sa sipon ay lagot.

Maghahapon noon ng unang mapansin,
ang babaeng itong sa maunang tingin;
ay mandidiri ka at maririmarim,
sa maduming bihis at bangong malagim.

Kasisilong ko lang sa isang tindahan,
dahil nagbabadyang nung hapo'y umulan;
nang itong babae ako ay lapitan,
nanghihingi siya ng panghahapunan.

Ako ay dumukot sa nakapang bulsa,
ng ilang piraso ng naipong barya;
agad iniabot ang kaunting pera,
sa babaeng agad ngumiti ang mukha.

Nguni't ang babae'y hindi pa umalis,
pagdaka'y tumingin sa maputlang langit;
at kanyang winika " o anak ko bakit?
" ganitong malamig ako'y natitiis.

Anong dusa baga ang kakabakahin,
ng mabuting puso at di maninimdim;
kung ang salang gawa ay di patawarin,
ng sariling anak at mahal na supling. "

Ako'y napatingin sa babaeng dusta,
agad nakita ko ang bukal ng luha;
ang kanina'y ngiti ngayon ay iyak na,
at may kalungkutang hindi maipinta.

hahayaan sana't hindi papansinin,
kung hindi lang dahil sa salitang bilin;
" amang ako ba sa'yong unang tingin ,
ay masamang taong hindi mahabagin. "

Napilitan akong ibuka ang bibig,
" Ay ako'y tao pong hindi napahilig;
umuri ng kapwa't sa kapwa'y umusig,
kung may kasamaang sa puso umukit. "

Pagkawika nito ay sumagot agad,
" Amang sa uri ba pag aking nilahad;
ang anumang bagay na sa puso'y buhat,
merong sala bagang wala ng patawad?

Natahimik ako't napaisip-isip,
at ang babae ay napahintong saglit;
ang akalang Sisang may kulang ang bait,
bakit kung magtanong may talinong hatid.

" Magsasampung taon na aking binilang,
mula ng ako ay unang iniwanan;
ng lima kong anak na aking minahal. "
ang pagdaka'y wika ng babaeng pagal.



1 comment:

  1. ito ang kwento ng isang inang matagal tiniis ang mawalay sa sariling mga anak...subaybayan nyo po ang kanyang kwento dito sa Loya Jirga.

    ReplyDelete