Tuesday, January 5, 2010

Kay Ninoy at Cory



Wala sa hinuha nitong sambayanan,
na ang simpleng kasal ay laong nilaan;
sukat tinadhanang magharap sa altar,
niyong ating amang nasa kalangitan.

Nakatadhana ngang umukit ng daan,
sa mga pahina nitong kasaysayan;
isang magkabiyak na labis minahal,
at dinadakila ng bayang nilakhan.

Tumatanaw ngayon ng malaking utang,
ang sariling baya't sampung mamamayan;
na pinag alayan ng dugo at buhay,
ng ang kalayaa'y tunay na makamtan.

Kaya nga kahima't kami'y magkaiba,
ng kulay ng balat o laki ng mata;
kaming Pilipinong lalong pinagpala,
ay di lilimutin ang sainyong gawa.

At hayaan ninyong sa mga damdamin,
alaala ninyo aming sariwain;
at kung ang bayan ay may bagong panimdim,
sa inyong pangalan aming babakahin.

Ang mga anak n'yong sa ami'y iniwan,
ang lalong bubuhay ng inyong larawan;
at sila ay tunay naming babantayan,
ipagtatanggol nga sa anumang laban.

Pamanhik lang namin O Ninoy O Cory,
sa Dakilang Ama kami'y ipagsabi;
na mabunying bayang inyong pintakasi,
sana'y wag hayaang sa dusa'y pumirmi.





1 comment: